Adik
Carlo Hornilla
Ampalaya Monologues
Ako si Carlo,
Gumagamit ako ng bato,
At oo adik ako, adik sayo,
Alam mo palagi kong ginogoogle maps yong bahay niyo,
Number 31 B Palyohan West, Batangas City.
At palagi sa aking biyahe pauwi,
Hindi maaaring hindi ako pipilit na dumungaw sa bintana ng jeep para masilip ang loob ng compound niyo,
Tinatanaw ko ang bintana ng iyong kuwarto,
Pinapangarap kung, kailan mo kaya ako iimbitahang pumasok sa loob ng bahay niyo.
Kailan mo kaya ako iimbitahang maging bahagi ng buhay mo,
Kailan mo kaya ako ipapakilalala sa nanay at tatay mo,
Ito po si Carlo, adik sakin to,
Pag di pa to tumigil, papakasalan ko to.
Ako yung bodyguard na hindi bayad,
Yung anghel dela guwardya na hindi nakakalipad,
Ako ang pinakamsidhi mong fan,
Mala housespeaker Pantaleon Alvares kay Duterte,
Kahit mali na, susundan.
Ako ang anino mo sa school, sa gym, sa public library, sa church, sa mall, ultimo sa paggogrocery,
Sarap siguro ikwento sa mga magiging apo natin to no,
Kung paano nagsimula tayo sa pagsasalisihan sa mga basilyo ng surf, breeze at tide,
Hanggang nauwi tayo sa you may now kiss the bride.
Pero sa tuwing mapapalapit ang pag orbit ko sayo ng kahit ilang metro,
May malakas kang gravity na humihila ng milyon milyong asteroids at bumabagsak sa utak ko,
Winawasak ang aking pagiging kalmado,
Napapraning ako.
Pano pag ganito, pano pag sinabi mo to, pano pag, pano pag tinanong mo kung ako nga yung naglalagay ng graham balls sa bag mo,
Ganon lang talaga kasi sinasamba kita, kaya kailangan may alay,
Pano pag, pano pag, pano pag tinawagan mo yung cellphone number na palaging nagtetext sa iyo ng kung ano-ano,
Halimbawa,
I think I shall never see a line as lovely as the line were the sky meets the sea,
until I saw your kilay.
Pano pag tinawagan mo yung cellphone number na palaging nagtetext sa iyo ng kung ano-ano at nagring yung cellphone ko sa harap mo,
Papaano kung iyong nabisto na punong puno ng mga saved images mula sa Facebook profile mo ang memory card ko,
Pano pag ganito, pano pag sinabi mo to, pano pag...
Pasensya, hindi ko naman motibo na matakot ka sa mga text, sulat, sa raha, watatops na natatanggap mo mula sa sakin,
Hindi naman para maging sakit ako ng ulo mo o maging sanhi ng di pagtulog mo.
Kaya ko lang naman ginagawa lahat nang to para maramdaman mong palaging may nagbibigay halaga sayo,
Na sa malupit na mundong ito, na may isang ako,
Isang aninong bumabagtas sa bawat landas na nilalakaran mo at hindi ka papayagang masaktan,
Kahit ikaw, sinasaktan mo ko.
Oo sinasaktan mo ko sa mga pagwawalang kibo, sa mga pagsasawalang bahala,
Hindi porket sanay ka na hindi sa akin magreply, ay sanay na din ako na hindi maghintay,
At akala mo, yung mga love letter kong pinaghihirapan, dinederetso mo lang sa basurahan,
Sayang naman yung lettering,
Alam mo minsan, nilagay ko nalang dun - Alamat ng Saging tutal alam ko namang hindi rin babasahin.
At akala mo hindi ko natanaw, na yung pinag ipunan kong isang tupperware ng graham balls, ibinigay mo lang sa badjao,
Otso peso per piraso,
Sana stick-o nalang yung binigay ko sayo,
Tinatawanan ko na nga lang madalas pero oo nasasaktan ako.
February four, Sabado,
Sinundan kita sa loob ng Cinema two,
Guardians of The Galaxy!,
Napa-ibig na din akong bumili, para alam mo yun?,
Masabi ko naman sa aking sarili na kahit minsan nakasama na kitang manood ng sine,
Kahit hindi tayo magkatabi,
Pumwesto ako sa silya na eksakto sa likuran mo,
At nang maamoy ko ang mala Pia Wurthzbach sa patalastas ng downy na halimuyak ng mga bulaklak na bumbalot sayo
May kung anong baliw na ideya
Yung anit ko ay bumuka, parang cartoons, may lumabas na bumbilya... Tiing!
Bakit ba hindi ko nalang sabihin sayo?
Simulan na natin ang forever na to,
Magkaalaaman na,
Alam kong hindi ganto yung tipo mo sa lalaki na pagmumuka pero pag siningkit mo ang iyong mga mata at pumihit ka konti pakaliwa,
Hindi ba? medyo Daniel Padilla?
Pero bago pa ako makapagsalita, may tumabi na saiyo,
Ang bawat hakbang niya ay sigurado para bang napag-usapan niyo na talaga na dito magtatagpo,
Pamilyar sakin ang lalaking to ah,
Parang kasama siya sa top twenty names ng mga lalaking itutumba ko,
Ito yung mga pakboy na palaging pinupusan yung dp mo.
Habang ang mga bida sa pelikiula ay tinatangkang ang kalawakan nila'y isalba,
Ay tinatangka kong magkaroon ng tapang, habang ang aking kalawakan, ay sinasakop ng iba,
Hindi ba ito sakop ng Anti Piracy Law?
Kapag ninakaw sa sinehan yung babaeng mahal mo?
Hindi ko na natapos yung pelikula,
Namalayan ko na lamang na dinala ako ng aking mga paa,
Sa isang lugar na palagi kong nakikita pero hindi pa nakakpunta,
Number 31 B, Palyokan West, Batangas City.
Nag over the bakod ako sa compound niyo,
At ang lakas ng loob ko, kung meron man saking sisita ay malakas ang alibi ko,
Pokemon GO,
At sa impact ng aking pagbagsak,
Ay may kung anong humigpit na turnilyo.
Hindi mo naman kailangang mauntog para matauhan,
Minsan sapat ng mahulog sa taas na apat na metro,
Sa puntong yun, ko napagtanto,
Na ang tanga tanga ko,
Ang dami daming isda sa karagatan bakit nagpapaka spicy sardines ako sayo,
Bakit ako naging isang Ash na nastock sa isang pickachu,
Na andami dami kong pagpipilian pero palaging I choose you,
Nasayang lang ang effort, ang oras, ang li mang piso araw araw na pag gagatsby wax ko.
Ilang Legendary pokemon na kaya ang nakalagpas sa akin kakasunod sunod ko sayo,
Kailangan kong maghabol, I gotta catch them all!,
At dito nagsisimula ang kwento ng pagka adik ko sa bato,
At nang pagrerehab ng sarili ko mula sa pagkahibang sayo.
So nagpaikot ikot ako sa paligid ligid ng bahay niyo,
Selfie ganyan, checheck ko yung mga pinto,
At natuklasan ko.. na bukas yung bintana ng banyo ninyo,
At may nakapatong na bato, yung panghilod.
Kinuha ko to, remembrance, souvenir, memento, kuntento na ako dito,
Hindi ko man nakuha yung puso mo, nakuha ko naman yung panghilod mo,
Parang same thing lang din naman kasi parehas din silang bato,
Kinakabahan lang talaga ako kapag gumagamit ako,
Kasi bukod sa posibilidad na sa tatay mo pala to.
Ang talang punto nitong tula ay kung gaano kadali ang maoagkamalan sa panahong ito,
Ako si Carlo, gumagamit ako ng bato,
Ang tanging hiling ko, pag isang araw lumabas sa balita natagpuan ang duguan kong katawang nakabulagta,
Hindi ka manahimik, magkibit balikat o mag iwas ng mata,
Dahil kung masakit na nga ang magmahal ng isang tao na hindi ka gusto baby,
Mas masakit mamatay sa isang bayang walang pakialam sayo.
~~~
Get the Ampalaya Monologues eBook on Lazada: CLICK HERE!
#AmpalayaChronicles, an anthology series based on the show is now streaming on iWant.
Subscribe to Ampalaya Monologues' Youtube channel: SUBSCRIBE!
Connect with Ampalaya Monologues!
📱WEBSITE
📱FACEBOOK
📱TWITTER
📱INSTAGRAM
Check our shared Netflix
ReplyDeletehttps://ytcameralens.blogspot.com/2020/08/free-netflix-i-am-back.html